History

PERFORMATURA: ANG KAGANAPANG GINAMPANAN NG KAGAMPANG PANITIKAN?

ni Vim Nadera

PASAKALYE

Performatura na!
Unang ginanap ito sa Cultural Center of the Philippines (CCP).
Binuksan ang mga pinto ng CCP sa tinaguriang “International Performance Literature Festival.”
Sa buong Filipinas, kung hindi man sa buong mundo, marahil ito ang kauna-unahan.
Kasi ito ay kaisa-isa at kakaibang pista ng panitikang hindi lamang pasulat o pabigkas kundi patanghal.
Kung ang una ay Literatura at ang ikalawa ay Oratura.
Ang ikatlo ay Performatura.
Wala itong ibang sadya kundi buhayin ang salita sa bala-balaking buklurin ng mga alagad ng sining mula sa iba-ibang panig ng bansa.
At daigdig.
Institusyon at indibiduwal ang bayaning nagbayanihan.
Paaralan at pamayanan ang pinagmulan ng laman sa harap o ibabaw ng entablado.
At hindi ito nangangahulugang tanghalang karaniwan.
Halo-halo ito.
May katutubong ritwal mula sa Luzon, sa Visayas, at sa Mindanao.
May tradisyonal na Balagtasan, Crissotan, o di kaya’y Bukanegan.
May makabagong spoken word sa loob at labas ng bansa.
May kontemporaneong performance art na unibersal.
May postmodernong rap na klasikal.
Ano’t ano man ang pinanggalingan.
Ano’t ano man ang pagalingan.
Ano’t ano man ito, ang lahat ay isang pagdiriwang.
Selebrasyon itong nag-anyaya.
Inimbitahan natin ang mga bisitang ang dala-dala ay walang iba kundi ang kanilang kultura.
Ito ang handa natin para sa sinumang handa rin.
Handang kainin ang ating haing aral at aliw.
Mulang pahina hanggang sa iba’t ibang plataporma, ang wika ay naging ganap.
Hindi lamang ito basta naganap.
Ito ay isang kaganapan.
Sanhi’t bunga ng kagampang panitikan.
Ito ang papel nating ginampanan, ginagampanan, at gagampanan sa ngalan ng Performatura.


PERFORMATURA 2015

Inumpisahan natin noong 2015, ito ay mula sa pagtitiwala’t paniniwala ng CCP sa katauhan ng Direktor Artistiko at Pangalawang Pangulo na si G. Chris Millado at ng pinuno ng Intertextual (dating Literature) Division na si G. Herminio Beltran.

Dahil dito, tayo ay binigyan ng hamon.

Kaya ito ang ating tugon:

                  Ating ipagdiwang

                  Ang literatura

                  At ating itanghal

                  Sa Performatura!

Nilapatan ang tula nating ito ng musika ni Diwa de Leon na atin ding kabalikat sa pagsulat ng Awit ng PHSA, o Philippine High School for the Arts na kaniyang alma mater nang sinimulan natin ang pagkakaroon ng unang Araw ng PHSA o Foundation Day.

Unang ginawa ito noong 2014 kung kailan inumpisahan din natin ang MAKILINC o Makiling Inter-cultural Arts Festival tuwing Pambansang Buwan ng Sining.

Malaki ang naitulong nito sa pagbubunsod ng Performatura.

Una, ito ang nagmulat – o nagpadilat pa — sa atin ng mundo ng nasyonalismo sa gitna ng globalismo.

Ikalawa, ito ang gumising sa atin sa posibilidad hindi lamang ng intertextualidad kundi ng multidisiplaryong realidad.

Ikatlo, ito ang nagpabangon sa atin upang kamalayang Kuwanismo ay gawing performatibo.

Bunga nga ito ng ating karanasan sa pagtuturo ng wika, panitikan, malikhaing pagsulat, at iba pang disiplina sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa Unibersidad ng Pilipinas.

Pinalad tayong ipakilala sa akademiya ang Performance Poetry sa Department of English and Comparative Literature noong 1995.

Pinaghugutan natin ang mag ito ng bisyon at misyon upang magsimula sa simula.

Kaya una nating nilingon ang epiko sa umaga.

Matatandaan na walang iba kundi ang United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) ang kumilala sa Filipinas: noong Marso 2001 iginawad ang titulong “Master of the Oral and Intangible Heritageof Humanity” sa epikong Hudhud ng mga Ifugao samantalang noong Nobyembre 2005 ipinagkaloob din ang ganitong proklamasyon sa epikong Darangen ng mga Maranao.

Pinalad tayong maging komisyoner ng UNESCO noong 2011.

Kaya, sa kauna-unahang Performatura, sinikap nating bigyan ng mukha sa Hudhud at Darangen sa pamamagitan ng ating seksiyong Epic Center.

Itinampok natin ang mga kumakanta o chanter ng mga ito kasama ang mga iskolar upang ipaliwanag ang mga ito.

Hudhud ang tuon ng pansin ni Prof. Ruby Jimenez ng University of the Philippines (UP) Baguio at Darangen naman ang tinalakay ni Dr. Christine Godinez-Ortega ng Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (MSU-II).

Inimbitahan din natin si Bb. Shanna Mae Lucero para epikong Hinilawod ng Sulod sa Gitnang Panay na may dalawang siklo: Labaw Donggon at Humadapnon.

Pinaunlakan tayo ni UP Professor Emeritus Dr. Alicia Magos na hindi lamang nagkuwento tungkol sa kaniyang 25-taong proyektong iniukol sa epikong Sugidanon ng Panay kundi nagbunsod muli ng kaniyang pananaliksik na inilibro ng UP Press. Lahat ng ito ay pakantang isinalaysay ni Federico “Tuohan” Caballero na nakatanggap na ng Gawad Manlilikha ng Bayan (GAMABA). Sa unang aklat na Tikum Kadlum (Black Dog) ang katuwang niya ay si Teresita “Abyaran” Caballero-Castor samantalang sa ikalawang aklat na Amburukay ang katulong niya ay si Leopoldo “Paino” Caballero na isa sa pitong supling ng binukot na si Anggoran na diumano’y inaawit ang mga epikong ito bago sila matulog. Hindi nakaabot ang ikatlong aklat na Amburukay (Enchanted Hermit Woman) sa tulong sana ni Romulo “Amang Baoy” Caballero na tagapangalaga ngayon sa Iloilo ng Balay Turun-an, ang kauna-unahang School of Living Traditions sa Visayas. Inipon at isinalin ang lahat ng ito ni Dr. Magos mula sa wikang Kinaray-a.

Sa labas ng CCP Dream Theater, masasaksihan ang likhang-sining at video — tungkol sa talaan ng lahi o genealogy ng mga tauhan sa Sugidanun — ni Liby Limoso ng University of San Agustin na noo’y nagsuot ng gintong pintura mula ulo hanggang paa!

Subalit unang araw pa lamang ito ng unang Performatura noong 6, 7, at 8 Nobyembre 2015.

Parangal ito sa kaniyang ika-121 kaarawan ni Jose Corazon de Jesus, ang unang Hari ng Balagtasan, na isinilang noong 22 Nobyembre 1894 sa Sta. Cruz, Maynila.

Sa kasamaang-palad, natapat ito halos sa pagdaraos ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) kaya, sa ngalan ng seguridad, isinara sa publiko ang paligid ng Philippine International Convention Center (PICC) na nasa loob ng CCP Complex.

Ano’t ano man, maaalala pa rin siya sa kaniyang Tanghalang Huseng Batute na saksi sa presentasyong may kani-kaniyang interpretasyon ng tula tulad ni Anthony Brown, ni Myra Beltran, ng Daloy Dance Company, at ng UP Los Baños Chorale Ensemble.

Nobyembre 6 talaga nang magbukas ito na naging sentro sa pagtatagpo, kundi man ng pagpapasa ng sulo, wika nga, ng beteranong The Mabuhay Singers (o sina Gng. Raye Lucero at kaniyang anak na si Emma, Juliet Barangan, Peping de Leon, Jimmy Salonga, at Eddie Suarez) sa batang The Makiling Singers (o sina Chirbee Dy, Yvette Parcon, Daniella Silab, Leanne Tavita, Sting Asistores at Marlee Pabico ng PHSA). 

Bukod sa awitan, nagkaroon sa CCP Library at sa mga elevators ng Binhi, Ani na isang sound art project ni Teresa Barrozo.

Pagkakain ng tanghalian, binuo natin ang pangonta-antok — ang CCP Café — na isang kapihan na may kape ng Sev’s Café nina Howie Severino at Ipat Luna at pandesal ng Kamuning Bakery ni Wilson Lee Flores na lahat ay manunulat. Kinapanayam doon si Francisco Sionil Jose (ni Lourd de Veyra noong Nobyembre 6), si Bienvenido Lumbera (ni Roland Tolentino noong Nobyembre 7), at si Cirilo Bautista (ni Alfred “Krip” Yuson noong Nobyembre 8).

Sa kabilang dulo ng pinangyarihan nito ay may telebisyong nagpapalabas ng Akdang Buhay, ang naka-videong interbyu sa mga nasabing Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, na proyekto ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Likhaan: UP Institute of Creative Writing (ICW).

Dahil inaasahan nating dadagsain tayo ng mga guro’t mag-aaral, naglagay tayo ng seminar-palihang pinamagatang Literaturo sa Tanghalang Aurelio Tolentino. Nagturo kung paano mag-Poetry In Motion si Chelsea Ainsworth, kung gawin ang ventriloquism si Ony Carcamo, kung paano mag-Crissotan si Dr. Juliet Mallari, kung paano mag-Balagtasan si Mike Coroza, kung paano mag-spoken word si Arianna Pozzuoli, at kung paano maglapat ng musika si Diwa de Leon.

Paparami nang paparami ang manunulat na gumagawa ng pelikula kaya buong araw mayroong Peliteratura. Ipinalabas ang klasikong A Portrait of the Artist as Filipino ni Nick Joaquin na isinapelikula ni Lamberto Avellana at mga “art film” na nagwagi sa Cinemalaya.

Dinumog ang Isda ni Adolf Alix; Intoy Syokoy ni Eros Atalla (sa direksiyon ni Lemuel Lorca); Musa ni Dexter Cayanes; The Guerilla Is A Poet nina Kiri at Sari Dalena; Two Friends One World; War Makes Me Sad ni Mary Ann Floresta (sa direksiyon ni Sherwin Yu Llames); Kababaihan ng Malolos ni Nicanor Tiongson (sa direksiyon nina Kiri at Sari Dalena); Busong ni Kanakan Balintagos a.k.a. Aureus Solito; Manggang Matamis ni Ramon Sunico (sa direksiyon ni Mark Christian Villena); at Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa ni Alvin Yapan.

Ang buong hapon ay sa para sa mga nasa hapon, o di kaya’y dapithapon, ng kanilang buhay. Ang Children’s Corner ay ang pagbabasa ng mga kuwentong pambata sa kooperasyon ng Read-Along ng Philippine Daily Inquirer at ang Young Poets’ Space Jam ay pagbibigay-espasyo para sa jamming para sa mga kabataaang makata sa koordinasyon ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at mga manunulat mula sa iba’t ibang pangkat panliteratura at pahayagang pang-kampus. Sila ang magiging kasapi ng PAN o Pugad Adarna Network na mag-iikot sa buong bansa para palaganapin ang magandang balita ng Performatura sa rehiyon.

Hindi pahuhuli at pahuhuli sina Lorina Javier, Kaye Oyek, at Crecee Roldan ng Tupada Action Media Arts (TAMA), lalo nang mabalitaan nilang magtatanghal ang performance artist na si Mick Douglas ng kaniyang Circulation sa hagdanan ng CCP at Salt Body sa ASEAN Garden – bilang kinatawan ng Performance Studies International (PSI) Conference sa De La Salle University.

Nakalaan ang gabi disin sana’y sa labas ng CCP.

Ang pangarap na ito ay natupad sa gilid o tagilirang Promenade.

Ating inilaan talaga ito para sa mga bumibiyahe sa Roxas Boulevard upang mabigyan ng pagkakataong makasilip sa mga nangyayari sa Park Poetry.

Noong Nobyembre 6, Music and Movement ang tema at nagtanghal sina Joey Ayala; Ony Carcamo; Khavn de la Cruz ng Fando and Lis; Lourd de Veyra ng Radioactive Sago; Joel Malabanan; Jess Santiago; at Waway Saway.

Noong Nobyembre 7, (R)EVOLUTION ang paksa at pumailanlang sina Belen Calingacion at ang Speech Choir ng kaniyang klase sa Chamber Theater; Jeena Rani Marquez samantalang nagpakitang-gilas ang nagpakita ng Balagtasan mula sa Philippine Normal University at Crissotan mula sa U.P. Clark. Dinugtungan ito ng mga rapper mula sa pelikulang Tribu ni Jim Libiran sa pamumuno nina Shielbert Manuel o O.G. Sacred, Cayrawn, Mac Micc, Monsignor Omicron, at Raynoa Youngcent. Solo si Syke pero sunod-sunod ang galing-Flip Top ni Alaric Yuson na ipinakilala sina BLKD at UMPH.

Noong Nobyembre 8, umikot sa Gathering of Genders at uminog ang mundo nina Gemino Abad, Rebecca Añonuevo, Kervin Calabias, Chico Cariño, Carlomar Daoana, Neil Garcia, Danton Remoto, Dumay Solinggay, at ang mga Syjuco.

Ang nasabing Unang Pamilya ng Sining ang laging nasa likod ng binuksang sorpresa sa Main Gallery – Chromatext Rebooted – ang eksibit ng mga manunulat na nasa paglikha ng sining biswal na tumagal hanggang Enero ng 2016.


PUGAD ADARNA NETWORK

Umaalingawngaw ang balitang mauulit ang Performatura.

Hindi taon-taon kundi tuwing dalawang taon o biennale.

Kaya, bilang paghahanda, nagpasiya kami nina G. Beltran na organisahin ang PAN o Pugad Adarna Network.

Nagpadala ng mga kinatawan ang mga grupong panliteratura sa  kung tawagin sa simula ay Young Poets Fellowship.

Sila ang mga kabataang nagpapaunlad ng panitikan, lalong lalo sa panulaan, sa buong bansa.

Mayroong alam ang kanilang kahalagahan sa kasaysayan.

Mayroong hindi alam ang kanilang ginagawa o nagagawa.

Mayroong walang pakialam.

Lalo na kung lasing.

Hindi nila kailangang maghintay ng World Poetry Day para tumula.

Linggo-linggo nila itong ginagawa kahit ang Linggo ay naging Buwan na ng Wika.

O araw-araw pa nga ito para sa ilan.

Para iba, ito ang kanilang awit ng Adarna.

Ikinuwento ni Dakila Cutab ng The Makatas kung paano sila nabaliw sa Balagtasan.

Ihinabol pilit ni Johanna Fernandez kung bakit masaya ang kanilang Lunes tuwing may Happy Mondays.

Binalikan ni RR Cagalingan ang istorya’t historya ng LIRA bilang pinakamatandang pangkat ng kabataang makata.

Sinalungguhitan ni Kervin Calabias ang papel na ginampanan ng Pambansang Alagad ng Sining na si Cirilo Bautista sa pagkabuo ng Baguio Writers Guild.

Inamin ni Franchesca Casauay ang birtud ng beer sa biruan at birahan ng berso kapag may Drunken Poetry Nights.

Inisip ni Mark Dimaisip ang dahilan kung bakit siya bumabalik-balik sa Alab.

Hindi akalain ng lahat na ang siya pang pinakabunso — si Lora Noreen Domingo ng Kuwit – ang siya pang may sariling libro kumpara sa karamihan!

Inimbitahan ni Cheska Hurtado ng Bukambibig na pansamantala ay mag-ambag mula sila sa kanilang antolohiya ng spoken word na online.

Ibinahagi ni Eloisa Toledo Francia ang eksena sa Canada kung saan naroroon ang kaniyang grupong Poetry Is Our Second Language.

Ganundin ang ginawa ni Gari Jamero ng Nagkahiusang Magsusulaat Sa Cagayan De Oro (NAGMAC) mula sa kanilang lungsod hanggang sa kanilang rehiyon sa Mindanao.

Si John Robert Luna ang kumatawan sa KM64 na kilala sa kanilang panulaang malaya’t mapagpalaya.

Kabaliktaran ni Siege Malvar ng The Batutes na nagbabalagtasan na ang pinagtataluhan ay artista at arte bilang arte.

Ipinaliwanag ni Mars Mercado kung ano ang kaniyang dahilan bilang isang guro sa kaniyang pagtatatag ng samahang M.A.F.I.A.

Tinanaw ni Juan Miguel Severo ng Words Anonymous ang utang na loob nila sa Sev’s Café at ang umpisa ng hugot sa bansa.

Ihinandog ni Dumay Solinggay ng Ubbog Cordillera Young Writers ang lugod sa taludtod mula sa gulod samantalang, mula sa luko, nagpatotoo ng kaniyang talino si Ariel Tabag ng GUMIL Filipinas.

Nagmukhang si Czyka Tumaliuan ng Mobile Makata ang naglagom ng pulong ng kaniyang paglingon sa papel sa social media sa literatura.

Ginanap ito noong 15-17 Hulyo 2016 sa Pugad Adarna — o mas kilala bilang Executive House — ng National Arts Center na nasa kampus ng PHSA sa Mt. Makiling sa Los Baños, Laguna.

Sa huling gabi, nagkaroon ng tulaang inabot halos hatinggabi kaya inilipat sa parking lot ang pagtatanghal mula sa pinagdausang Entablado sa Vega Center dahil lumampas sa oras itong dinagsa ng di-inaasahang dami ng tao!


PERFORMATURA 2017

Biennale na ang Performatura!

Kung baga, may isang buong taon pa kami para makapaghanda.

May isang buong taon nga kami para pag-aralan ang nauna.

Napatunayan natin ang intertextuwalidad ng lahat.

Nailangkap natin ang literatura sa arkitektura, sayaw, musika, pelikula, potograpiya, sining biswal, sining kompyuter o grapiko, at teatro.

Hindi ba katuparan ito ng ating pangarap?

Ito mismo ang bisyon at ambisyon ng ating Kuwanismo:

Buklurin ang siyam na Diwata ng Sining at bumuo ng ikasampu – Kuwan.

Kaya laking galak natin nang ito ay masundan pa.

Kung ang panganay ay isinilang sa kapanganakan ni Huseng Batute, ang sumunod naman ay ipinanganak sa kaarawan ni Francisco Balagtas noong 2 Abril 1788 sa Bigaa, Bulacan.

Noong ikalawang Performatura, na palaging tatlong araw, ang unang araw ay tumapat sa Marso 31 — kaya huli ng isang 10 araw sa World Poetry Day na idineklara ng UNESCO noong Marso 21.

At nagtapos ito noong Abril 2.

Kaya saktong-sakto hindi lamang sa Araw ni Balagtas kundi sa ikalawang araw ng National Poetry Month na idineklara ng Academy of American Poets noong 1996.

Sa atin, sa mundo ng literatura, ang ambag natin ay Performatura.

Dahil nga sa ngalan ni Balagtas, pinili nating paksain ang kaniyang pinakasikat na taludtod: “Sa Loob At Labas Ng Bayan Kong Sawi.”

Napapanggap ding himala ito sapagkat umabot pa tayo sa buntot ng Buwan ng Kabaihan.

Kaya, noong Marso 31, naging panauhing pandangal si Dr. Cristina Pantoja Hidalgo – na kinatawan ni Dr. Luna Sicat-Cleto ng Likhaan: U.P. Institute of Creative Writing – sa pagbubunsod ng panayam sa kaniya sa Akdang Buhay.

Ginunita rin natin si Maria Evangelista Carpena — ang tinaguriang “Nightingale of the Zarzuela” at sopranong kauna-unahang Filipino na naging recording artist – sa pag-awit ni Jean Ariane Flores na nanalo sa Maria Carpena Kundiman Song Festival.

Kasama niya ang mga Ibarang na ipinakita ang kakaibang paglalahad ng Florante at Laura sa pamamagitan ng Anino Shadowplay.

Hindi nakadalo ang ilan, tulad ng mga di-inaawitang bayaning bumubuhay sa composo, ismayling, at ambahan para sana sa Epic Center.

Subalit, ang kahalili nila – para sa Orature Overture – ay ang mga Cebuanong naghandog ng kanilang Balitaw; ang mga T’boling nag-alay ng kanilang awiting-bayan mula pa sa Lake Sebu; at ang mga Ivatang nagbahagi ng kanilang laji o rajji mula sa Itbayat, Batanes.

Ang lungkot ay naging ng ligayang dulot ng pagpasok ng Abril.

Pinabulaanan ng Performatura si T.S. Eliot na nagwika sa kaniyang tulang The Waste Land:

            “April is the cruelest month…”

Kasi, sinalubong din ang buwang ito ng pagsabog ng gamelang tinugtog na, isinayaw pa, halimbawa, ang tula ni Domingo Landicho na isinulat para sa mismo sa Kontra-Gapi.

Nandoon din si Leo “Hibla Sanghabi” Castro, na hindi lamang tumatangkilik ng mga katutubong instrumento kundi tumatanaw rin ng utang na loob sa pagpapalaganap ng baybayin sa bansa.

Nakatikim ng maanghang na pananalita kontra sa mga experimental na sining mula kay Pambansang Alagad ng Sining na si F. Sionil Jose pero nagpatuloy pa sina Boyet de Mesa, Sam Penaso, Mannet Villariba, at iba pang taga-TAMA.

Inumpisahan din ni Nerisa del Carmen Guevara ang kaniyang performance art na durational kaya dinala niya sa loob ng CCP – sa Atrium — bandang 9AM hanggang 9PM, tamang-tama sa oras na pagbubukas at pagsara ng Performatura.

Noong 2015, nagkaroon ng bentahan ng librong inilabas ng CCP.

Nitong 2017, pumasok na ang mga pabliser paris ng Adarna House, Anvil Publishing, Center for Art, New Ventures, and Sustainable Development (CANVAS), at palimbagang nasa mga unibersidad katulad ng Ateneo de Manila University, De La Salle University, UP, at University of Santo Tomas.

Kinilala muna bilang Ex Libris —  ginawang NBDB Book Fair – hanggang naging Aklatan,  ito ay patotoo lamang.

Kahit ang Performatura ay para sa panitikang patanghal, hindi pa rin natin isinasantabi o ini-itsapuwera o iniiwasan ang panitikang pasulat.

Sa totoo lang, ito ang puno’t dulo ng pagdadala o pagdo-donasyon ng libro – sa halip na bumili ng tiket – para makadalo rito.

Ang lahat ng nakalap na librong nasa bukana nito ay para sa programa ng CCP Library upang ipamigay rin sa mga liblib na lugar na wala talagang aklatan.

Ating isinaalang-alang, bukod sa mga mambabasa, ang mga manunulat.

Kaya, nagkaroon ng isang buong araw na Forum tungkol sa “Rights Management for New Writers” – upang ipaglaban ang karapatan ng mga kabataang manunulat – sa pakikipagtulungan ng CCP at mga bagong kapanalig na Freelance Writers Philippines, Intellectual Property Office of the Philippines, at NBDB.

Noong taon ito, naganap ang Readathon ng mga akda ni Balagtas.

Binasa ng Dagdag Dunong Reading Center ang La India Elegante y La Negrita Amante, ang Orosman at Zafira ng Pinoy Reads Pinoy Books Book Club, at, siyempre, Florante at Laura ng Philippine National School for the Blind na sinimulan noong Marso 31 hanggang April 2, mula alas-dose ng tanghali hanggang ikapito ng gabi, punong-punong sa CCP Little Theater Lobby!

Nagkaroon din noong Marso 31, ng pagbasa ng mga dulang Duyan Ka Ng Magiting at Princess Lili na sa kababaihan ng Women’s Playwrights Inc. Sinundan ito ng Pinoy Storytellers Group at M.A.F.I.A. tuwing hapon sa Silangan Hall.

Itinuro ang kung paano mag-Bukanegan ng Gunglo dagiti Mannurat nga Ilokano iti Filipinas (GUMIL).

At upang magbigay ng halimbawa ng sarsuwelang Bisaya, itinanghal ang Sangang Nangali ni Minggoy Lopez na kinatawan ng kaniyang anak na si Rebecca Lopez-Montano. Una itong ipinalabas noong Dekada ’50 na isina-pelikula nina Gloria Sevilla. Natuklasan natin ito nang inanyayahan tayong tumula sa Cebu Literary Festival. Ang halaw na ito ay dinala natin sa Tanghalang Huseng Batute sa direksion pa rin ni Loy Arcenas na siya ring direktor ng Larawan at The Romance of Magno Rubio. Ang mga gumanap noong 2 Abril ay sina Liesl Batucan, Poppert Bernadas, Bong Cabrera, Paolo Rodriguez, at Cheska Venice Rojas na sinaliwan ng musika ni Benedic Velasco.

Sa ilalim ito ng produksiyon ng Little Boy Productions.

Mula Visayas hanggang Mindanao kaya nakalimutan na yatang kumain ng mga manonood.

Lalo na nang matunghayan nila ang pasalubong sa atin ng MSU-IIT at ng kanilang IPAG o Integrated Performing Arts Group ng itinatag noong 1978 ni Ligaya Amilbangsa at Steven P.C. Fernandez  — ang SugaTula — na unang ipinalabas noong 25-30 Enero 2016 sa Iligan.

Pagka-pananghalian, nagkaroon muli ng CCP Café kaya inimbitahan ang mga kinilala ng Gawad CCP na gaya nina Nora Aunor, Fides Cuyugan-Asencio, Leoncio Deriada, Ricky Lee, Antonio Mabesa, at Denisa Reyes.

Hindi pa natatapos ang panayam, mahaba na ang pila ng tao sa Tanghalang Huseng Batute para sa makatikim ng pait ng pag-ibig na hain ng Ampalaya Monologues sa tatlong araw na singkad.

Ganito rin kainit ang pagtanggap at pagyakap kay Juan Miguel Severo.

Dapat tag-init iyon, pero dahil sa pagbabago ng klima, tila tangay ng Abril ang ulan.

Kaya, pagkatapos ng unang gabing — para kina Gary Granada, at ng Baguio Writers Guild, Bukambibig, Bukanegan, Encuentro de Zamboanga, GUMIL, at NAGMAC – ito ay ipinasok uli ang Park Poetry sa CCP noong Marso 31.

Nagsisiksikan sa lobby ng CCP Little Theater ang mga tagahanga nina Lourd de Veyra at ng Radioactive Sago Project Alab, FlipTop, Romancing Venus, Words Anonymous, at White Wall noong Abril 1. Para kay Kiko, ang tawag sa huling gabi ng Abril 2, kaya makabagbag-damdamin ang debosyon nina Njel de Mesa, at ng Drunken Poetry Night, Happy Mondays, KM64, LIRA, at Voltes ViM.

Ang unang balak ay papupuntahin sa CCP ang mga delegado ng Kampo Balagtas na ginanap sa Bataan.

Ang ikalawang plano ay magkakaroon ng parada mula sa Balagtas Shrine patungong CCP.

Ang siste, hindi ito nangyari!

Ngunit, sa pamamahala ng Intertextual Division sa pamumuno si Beverly Siy, naging makasaysayan ang kapalit.

Tinawag na Lakbay-Kamalaysayan, ito ay nag-umpisa sa pag-aalay ng bulaklak kay Francisco Balagtas na sinimulan sa pakikipagtulungan ng tanggapan ng dating Alkaldeng si Joseph Ejercito Estrada ng Maynila.

Dumalo sina Pambansang Alagad ng Sining na si Dr. Bienvenido Lumbera, ang Direktor Artistiko at Bise Presidente ng CCP na si Cris Millado, at Direktor-Heneral Roberto Añonuevo ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Dumating din ang mga Makata ng Taon na sina Christian Rey Pilates (2015), Louie Jon Sanchez (2006, 2009, at 2011) at Mark Anthony Angeles (2016); at mga bagong kasapi ng LIRA na nakipagtagisan sa entablado ng Teatro Balagtas.

Tumatak sa utak at puso ng lahat ang una’t huling FrancisCosplay o ang paligsahan sa pagganap bilang tauhan sa mga akda ni Balagtas. At ang kauna-unahang kampeon ay walang iba kundi ang tagapagsalaysay na si Melody Remorca na gumanap bilang “Flerida.”

Animo’y rurok ng ikalawang Performatura ang pagbubukas ng Lying in State, ang birth centennial exhibit ng Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal na si Cesar Legaspi.

Nagsimula ito nang alas-siyete ng gabi noong 2 Abril 2019 mula sa Main Theater

lobby kung saan nagkaroon ng munting pagtatanghal.

At nang tayo na ang nagpalabas, tayo ang nagsilbing  gabay o patnubay paakyat sa Main Gallery o Bulwagang Juan Luna na katatagpuan ng mga obra maestra.

Dahil sa di-mahulugang-karayom sa dami ng taong mistulang dayami, umabot sila sa mga galeriya sa hallway sa ikalawa’t ikatlong palapag.

Natapos noong Hunyo 4, ang koleksiyong ito ay kolaborasyon ng CCP, National Museum of the Philippines, at Malacañan Palace.


PERFORMATURA IN THE REGIONS 2018

Bahagi ng pagbabago para sa Performatura 2019 ay ang literal na paglabas ng mga palabas sa labas ng CCP.

 Ito ang Performatura in the Regions noong 2018.

Buwenamano ang Cavite noong 24 Nobyembre 2018. Rockstar ang trato ng mga tao kay Bobby Balingit ng The Wuds nang tumugtog ng kaniyang ekstatik na gitarang kaniyang inimbento. Pambato ng Katimugan ang turing kina Job Cezar, Josephine de Jesus, Martin Naling, at Jochelle Recto ng Titik Poetry at sa Monologista Inc. na kilala dati bilang Theater for Alternative Platforms. Inimbitahan din si Mark Ghosn ng Ampalaya Monologues. Nag-Balagtasan ang The Makatas na kinatawan nina R.R. Cagalingan, Dakila Cutab, at Ralph Fonte. Walang ipinagkaiba kay “Lola Basyang” ang tingin sa Pinoy Reads Pinoy Books Club na bumasa ng kanilang paboritong dula sa harap ng mga guro’t mag-aaral ng Francisco Perez Tolentino Memorial High School, Mater Dei Academy City College of Tagaytay, Olivarez College Tagaytay, STI College, Tagaytay City National High School, Tagaytay City Science National High School, Tagaytay Rogationist College, at Tropical Innovative School of Excellence. Kauna-unahan itong idinaos sa rehiyon. At kauna-unahan din sa Museo Orlina sa Tagaytay. Walang iba kundi ang presidente – ang bantog at bukod-tanging eskultor na si Ramon Orlina – ang tumanggap sa lahat sa kaniyang bahay-bubog!

Noong 6 Disyembre 2018, lumipat tayo sa isang paaralang Aviation ang espesyalisasyon sa Clark. Sa Jocson College sa Angeles, Pampanga — pinatuloy tayo ni Joy Cruz ng Angeles City Tourism Office.  Siyempre, hindi natin makakalimutan ang Parnasong Kapampangan pagdating sa Crissotan. Nagbigay ng paliwanag si Dr. Juliet Mallari ng UP Clark bago nagpakitang-gilas si G. Francisco Guinto. Pinatungan niya si Bb. Leigh Jocson – ang Executive Vice President – na kumanta bilang pasasalamat. Pahuhuli baa ng GUMIL? Kaya nagbu-Bukanegan si G. Marcelo Batac Lacap III. Kaya ang mga kabataan ay natuto na, natuwa pa sa karanasang ito. Dumating din si Rudy Contillo at iba pang batang manunulat mula sa Pluma, Tadhana, at iba pang nagtanghal mula mismo sa Jocson College at sa Badipa Elementary School sa Urdaneta City. Tumula rin ang mga taga-ATA o Aeta Tribal Association. At nagkuwento si Posh Develos.  Nagbenta naman ng mga kanilang libro, zine, at iba pang babasahin sina Rommel Bonus, Bayani Macatlag Gabriel, Christian Tablazon, at iba pang manunulat mula sa Hinabing Salita Publishing House, Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik (KADLIT), at PHSA.

Bulacan State University (BulSU) sa Malolos, Bulacan ang finale noong 14 Disyembre 2020. Bumalaga sa Valencia Hall ang kolaborasyon ng mga makatang sina Jeremie Villareal Joson, Charles Lyndon Perez, at Kael Benedict Vicente. Nagtanghal ng tula sina Kristine Anne Arellano, Julius Gregorio, at Nieky Quitain. Sinundan sila ng Kara N’ Juan. Nag-Dagdag-Dunong si Ana Bacudio. Isinadula ang obra ni Malou Jacob ng Barasoain Kalinangan Foundation Inc. Nagtinda ng mga libro, zine, at iba pang babasahin ang Hiraya Kolektib, Patlang, PlayWrite Publishing House, Lunduyan ng mga Bulakenyong Artista’t Manunulat (LAMBAT), at ng mga kumukuha ng B.A. Malikhaing Pagsulat ng BulSU at Seritipiko sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Filipino ng Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Tribu (2007) by Jim Libiran was premiered during the Peliteratura segment.

PERFORMATURA 2019

Para sa Performatura 2019, iba ang hamon.

Iba itong taon ng mga pagkakataon.

Kung ang unang Performatura ay pumatak sa buwan ni Jose Corazon de Jesus at ang ikalawa naman nation sa araw ng kapanganakan mismo ni Francisco Balagtas, itong ikatlong bersiyon ay itinadhana, kung baga, sa sentenaryo ng dalawang Pambansang Alagad ng Sining.

Kaya, una, inialay natin ito kay G. Francisco Coching.

Ikalawa, ihinandog natin din ito kay Dr. Edith Tiempo.

At, maaaring ituring na ikatlong pagpupugay ay para kay Dr. Resil Mojares – ang isa sa mga bagong hirang na Pambansang Alagad ng Sining – upang maging Panauhing Pandangal noong 5 April.

Binuksan ang ikatlong Performatura sa pagbasa ni Dr. Mojares ng kaniyang papel tungkol sa papel ng pagtatanghal sa panitikang Filipino – lalong-lalo na sa mga rehiyon – noon pa mang panahon ng mga katutubo o lumad magpahanggang sa kasalukuyan.

Ito, pagkatapos magtanghal ng Philippine High School for the Arts (PHSA) Musika Ibarang at ng Sanghiyas Pangkat Mananayaw — ang naging hudyat para buksan ang eksibisyon ng isang Tsinoy na makata at pintor na naka-base sa Estados Unidos na si Sam Roxas Chua — ang kaniyang tinatawag Asemic Writing na — para sa Literaturo — kaniya ring isinawalat ang lihim.

Isang alumna ng PHSA, si Criselda Marie Go, ang pinutungan ng kasintahang si Karl Orit, na kinalaunan ay idineklarang Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino ngayong 2020!

Alas-dose nang mag-Tanghal Tanghalian sina Claudia Monette Enriquez, Melanie Ramirez, at ang grupong Kuwit ng PHSA na sinundan ng pagkukuwento ng National Library of the Philippines Storytellers and Puppeteers. 

Sa hapon, para sa Orature Overture, nagkaroon ng pagtatanghal ng Gat Uban sa Tanghalang Huseng Batute ang mga Dumagat ng Mauban, Quezon samantalang, para sa Peliteratura, ipinalabas sa Dream Theater ang pelikula ni Khavn de la Cruz — Ang Paglilitis ni Mang Serapio – adaptasyon ng klasikong dula ni Paul Dumol.


TANGHAL-TULA

Habang nagaganap ang mga ito sa oras ng siesta ay may fiesta naman ng talinghagaan sa punong-punong Main Theater lobby. Noon din kasi ang eliminasyong isinagawa ng makatang Joselito de los Reyes, monologistang si Mark Ghosn, at aktres na si Skyzx Labastilla para sa pinakauna’t pinakamalaking patimpalak sa spoken word – Tanghal-Tula—na sinalihan ng humigit-kumulang 50 kabataan.

Tinapyas ang daming ito sa 10 natirang matibay.

Ang huling yugto, na literal na idinaos sa ilalim ng bilog na buwan, ay pinagpasiyahan ng walang iba kundi ang mandudulang si G. Chris Millado, sa tulong ng renaissance man si Khavn de la Cruz at ng tagapagtatag ng Bigkas Pilipinas na si Kooky Tuason.

Matapos ang humigit-kumulang dalawang oras, ang nagwagi ay si Ralph Lorenz Fonte ng LIRA na isang manggamot na nagtapos noong 2018 University of the Philippines College of Medicine bilang Tanghal-Makata ng Taon. Siya ay pinutungan natin bilang Festival Director — ng koronang ginintuan — ng eskultor na si Raul “Tata” Funilas at tropeo ng pintor na si Sam Penaso o The Stripewalker bilang performance artist.

Pumangalawa kay Dr. Fonte ay mga beterano at batikang si Jonel Carl Revistual ng Words Anonymous at pumangatlo si Ryan Ram Malli ng BAON Collective.

Tampok noon ang pagbigkas at pagpapakitang-gilas ni Azam Rais, isang makatang taga-Malaysia na naging kampeon sa Lit Up Asia Pacific Festival 2018 sa Singapore.

Ginanap ang gabing makasaysayang iyon sa CCP Power House, sa harapan mismo ng mural ng nakatanggap ng CCP 13 Artists Award noong 2019 na si Achie Oclos.

Ito ay pinamagatang Ang Mamatay nang Dahil Sa Iyo, na di nagkataong siya ring tema ng ikatlong Performatura.

Akmang-akma rin ang paksa dahil karamihan sa mga tula ng sumaling makata ay siksik, liglig, at umaapaw sa pag-ibig.

Hindi lamang romantiko kundi patriyotiko.

Hindi lamang hugot mula sa damdamin kundi sa diwang Filipino.


ARAW NI FRANCSICO V. COCHING

Ang pagdiriwang ng Araw ni Francisco V. Coching  noong 6 Abril ay ang pagkilala natin — sa komiks bilang isang uri ng panitikan  — na isa sa mga pakay ng Performatura. 

Bagamat kinilala bilang “Dekano ng Filipinong Ilustrador,” si Coching din ay isang manunulat.

Siya lahat ang kumatha ng mga kuwentong hindi lamang binasa kundi pinanood ng mga Filipino.

Kaya, si Coching ay ikinakawing sa masining na paghulma ng pampublikong kamalayan noong kalagitnaan ng 1900.

Sinimulan ang umaga sa pamamagitan ng pagbabaliktanaw ng kaniyang anak na pintor na si Lulu Coching at ng kaniyang paboritong pamangkin si Mara Coching Williamson na ang pangalan ay mula sa isa sa pinakasikat niyang tauhang si Marabini sa segment na CCP Cafè.

Binuksan na CCP Visual Arts and Museum Division (VAMD) ang eksibit na pinamagatang Nasaan Ka Na, Mara-Bini: Tracing Liberation and Empowerment in the Stories of F.V. Coching’s Rebel Daughters noon pang 29 Enero 2019, ang ika-100 kaarawan ng nasabing Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal.

Natunghayan sa Pasilyo Vicente Manansala o 2F Hallway Gallery ng CCP, ito ay pinamahalaan ni Alice Sarmiento na itinaon sa selebrasyon ng Buwan ng Kababaihan noong Marso at Performatura noong Abril.

Para ipakilala kung sino si Coching sa mga Gen X, Y, at Z — inimbitahan pa ng CCP ang mga estudyante ng Eastern Samar National Comprehensive High School (ESNCHS) para isadulang panradyo ang Lapu-lapu, isa sa pinakatanyag na akda ni Coching. Ang mga nabanggit na kabataang Waray ay may limang milyong tagahangang nakapanood sa kanilang radio broadcast na dati nilang ipinost sa Facebook!

Pinangunahan naman ng Pinoy Reads Pinoy Books Book Club ang talakayan sa isa pang akda ni Coching – ang El Indio.

Para sa sinumang ibig makakain nang libre kailangang sumali sa Tanghal Tanghalian na inumpisahan ng Tadhana, isang samahan ng kababaihang nasa spoken word, upang pagpugayan ang mga babaeng tauhang nilikha ni Coching.

Dumating din sina Danny Acuña, Dave Shaun Garcia, Rico Rival, at Randy Valiente na ipinakita ang ambag ni Coching sa komiks. Pinagkaguluhan ang pambatô ng Liwayway Magazine na si Ernie Patricio para sa kaniyang Literaturo samantalang ang beteranong ilustrador na si Danny Acuna ay gumuhit ng mga portrait na on-the-spot. Sa pakikipagtulungan ng Komiks Guild of the Philippines at Book Development Association of the Philippines nagkaroon ng tatlong-araw na tiangge ng mga komiks sa may CCP Main Lobby sa ngalan ni Coching na naging Pambansang Alagad ng Sining noong 2014.


ARAW NI EDITH L. TIEMPO

Naging Araw ni Edith L. Tiempo ang 7 Abril.

Nagkaroon muna sa umaga ng papuri at pagpupugay sa kaniya.

Bilang alumnus ng semestral at summer Silliman University National Writers Workshop noong 1988-1989, ang inyong abang lingkod na nagbigay ng pambungad na pananalita. 

Nagbalik-alaala si Padmapani Perez bago tumugtog si Dr. Carlos Pizarro.

Tumula rin ang premyadong makatang si Mikael de Lara Co at si Peachy Paderna.

Tinugtog nina Alyssa Liyana Dioquino, Jay Gomez, at Michelle Nicolasora ang komposisyon ni Dr. Carlos Pizarro para sa mga tula ni Dr. Tiempo.

Sa gitna ng Aklatan: All-Filipino Book Fair ng Book Development Association of the Philippines, binuksan ang isang “interactive centennial exhibit” na inasikaso nina Prof. Danilo M. Reyes at artist Bb. Gwen Bautista.

Katabi ni Estela Vadal – ang makatang robot na sumusulat ng tula para sa lahat – ang Hymn, Sob, Psalm — ay kinatampukan ng mga tula, retrato, at video tungkol kay Dr. Tiempo.

Alas-dose nang binasa ang mga tula ni Dr. Tiempo ng mga makata ng Pakinggan Pilipinas na pinagbidahan nina Alma Anonas Carpio, Patricia Evangelista, at Dr. Noel Pingoy, at Elyss Punsalan.

Sinundan ito sa Tanghalang Huseng Batute ang pagbigkas at panayam ni Azam Rais ng Malaysia. Sa Silangan Hall nagturo ng kung paano bumuo ng speech choir si Dr. Belen Calingacion gamit ang mga tula ni Dr. Tiempo bilang halimbawa.

Pagkuwa’y pinamunuan nina Orly Agawin at Gege Suege ng Flips Flipping Pages ang isang huntahan ukol sa Abide, Joshua and Other Stories ni Dr. Tiempo.

Sa Tanghalang Manuel Conde, tinalakay ng kritikong si Ed Cabagnot ang panahon ni Tiempo sa pamamagitan ng pagpapalabas ng pelikula ni Frederic Ullman Jr. — A Nation is Born (1947) — na kinunan nang buo sa lungsod ng Dumaguete, kung saan sinimulan ang kauna-unahang palihang panliteratura sa Asya – sa Silliman University noong 1962 ng mag-asawang Tiempo – si “Dad” Edilberto na nagwagi ng S.E.A. Write Award at si “Mom” Edith na naging Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 1999.

Gaya ng dati, nagsara ang Performatura sa Tanghalang Aurelio Tolentino.

Hindi maiiwasang makita ang eksibisyon sa lobby nito bago pumasok ang mga taong nagsiksikan upang masaksihan ang interpretasyon ng mga tula ni Tiempo. Una, ang Bonsai sa pagsayaw ni J.M. Cabling at ng Kahayag Dance Company ng Silliman University, pagkanta ng operatikang mang-aawit na si Katrina Marie Saga, at pagpipiyano ni Jasper Domingo. Ikalawa, ang City Man, na ginawan ni Prof. Annie Dennise Pacaña Lumbao ng UP College of Fine Arts ng isang projection art.

Pinakahuli o pang-huli ng pagbahagi ng mga gintong gunita sa ngalan ng mga Tiempo ang kanilang “anak-anakang” si Krip Yuson at ang makatang si UP Professor Emeritus Gemino “Jimmy” Abad na hinangad ni Dr. Tiempo na maging Pambansang Alagad ng Sining din balang-araw.

Sa kabuuan, ang ebolusyong nabanggit ay isang rebolusyon hindi lamang sa panitikan kundi sa sining sa Filipinas.

Performatura, kung baga ay isang oasis sa disyerto.

PAGLALAGOM

Ngayong may krisis, meri pa ba ang Krismas?
Nawa ay hindi mahawa ang Performatura.
Disin sana ang susunod ay sa Abril ng 2021.
Malapit sa Mahal na Araw.
Kung maligaya ang Pasko ng Pagkabuhay, manigo ba ang Bagong Normal?
Dahil sa COVID-19, maraming nagdusa.
Isa sa mga pinakamalungkot na katotohanan ay ang kawalan.
Lalo nang magbukas ang pasukan.
Kulang tayo sa Learning and Teaching Materials sa internet.
Sa tulong ng Commission on Higher Education at Department of Education, posibleng iangkop ng CCP ang video ng Performatura noong 2015, 2017, at 2019 sa pag-aaral at pagtuturo.
Puwede kasing buhayin ang Readathon ng iba’t ibang bersiyon ng pasyon.
May Wattpadasalan.
May TikToksohan.
Alang-alang sa alaala ni Plaridel?
Pasok sa Facebook kung may Literaturo Live.
Nandiyan din ang Blackboard para sa belyako’t belyaka, Moodle para sa Moriones, at Streamyard para sa senakulo.
Naghihintay ang Youtube para sa Tanghal-Tula.
Nakaabang ang Twitter para sa Tweetigsik at iba pa.
Napatunayan na ng CCP pagdating sa pagtatanghal na virtual.
Sanay na ito kung may Peliteratura.
Gamay na rin ng mga tao kung may Epic Center.
Bagay na rin sa atin ang mag-Orasyon Online at mag-ZoomBatutian.
At mag-Tanghal-Tanghalian para makapagpahinga ang kaliwa’t kanang webinar.
Walang-kapaguran itong tila InsTagulaylay.
Walang-kamatayan itong parang PangangaluluwApp.
Samantala, lagi’t laging may Alibaba o Lazada para sa Aklatan at/o E-buklatan.
Libre ang librong Performatura kung ito ay nasa issuu.com.
Tugon ito sa tinaguriang literatura ng pandemya tulad ng COVIDagli, COVIDalit, at/o COVIDiona ng Rappler.
Upang ipagdiwang ang ating panitikan ng paghilom.
O Perform-a-trauma?

Create your website with WordPress.com
Get started