Press Release

Mga Nagwagi sa Tanghal Makata Spoken Word Contest 2021 ng Performatura Festival

nina Raizzel M. Desacula at Jeannie Maglaque

Nitong 22-24 Nobyembre 2021 ay ginanap ang Performatura Festival ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa opisyal na Facebook page ng CCP. Ang pangkalahatang tema ng nasabing performance literature festival ay hango sa tulang Bayan Ko ni Jose Corazon de Jesus: Aking Adhika, Makita Kang Sakdal Lay

Bilang bahagi ng tatlong araw na selebrasyon, idinaos ang Araw ng mga Aklat at Akdang Bayan noong Nobyembre 24, 2021 kung saan naging bahagi ng festival ang semi-finals ng Tanghal Makata Spoken Word Contest For Filipino Library Personnel. Pangunahing partner ng CCP ang Philippine Librarians Association Inc. (PLAI). Layunin ng contest na ito na magbigay ng oportunidad sa mga librarian at library staff mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas upang hasain, payabungin, at pagalingin pa ang kanilang talento sa public speaking sa pamamagitan ng spoken word. Lubos nga na nagpakitang-gilas ang mga librarian at library staff dahil inilabas nila ang kanilang husay sa pagbigkas at pagsulat nang magbigay sila ng kanilang entry sa anyo ng video. Nagbigay ng pauna at pangwakas na pagbati ang director ng Performatura Festival na si Dr. Vim Nadera, Jr.

Narito ang mga semi-finalist: Christian Paul Umayam, Mamerto R. Tubis Jr., Genevieve C. Calvendra, Rinebeth B. Tanaid, at Jonathan M. Bareng. Ang mga hurado ng patimpalak ay sina Banaue Miclat-Janssen na isang aktor sa teatro, manunulat, at full-time professor sa University of the Philippines – Diliman; Lourd de Veyra na isang musician, host, manunulat, at producer; at si Mark Ghosn na isang spoken word poetry artist.

Noong Nobyembre 30, 2021 ay idinaos ang finals ng patimpalak sa facebook page ng PLAI. Doon ay itinanghal na champion ng Tanghal Makata Spoken Word Contest For Filipino Library Personnel si Juireo R. Abela para sa kanyang entry na “Baklabraryan ay Naririyan.” Ang kanyang mga premyo ay cash,  koronang laurel na gawa ng eskultor na si Raul “Tata” Funilas, trophy na ginawa naman ng artist na si Sam Penaso, at book package para sa kanyang personal na library at book package din para sa library na kanyang pinagtatrabahuhan. Itinanghal din na second placer si Marrianne S. Ledesma-Aves para sa kanyang “Isang Silip sa Isip ng Mambabasa Ngayong Pandemya,” habang third placer si Mary Ann M. Senillo sa kanyang “Silbi ng Aklatan: Noon at Ngayon.” Nagwagi ng People’s Choice Award si Mary Rose V. Navarro para sa kanyang entry na, “Hiwaga ng Silid-Aklatan” na mayroong 3,838 likes at shares. Patunay ito na kahit pa nasa gitna ng krisis ay ipinakita ng mga librarian at library staff ang kanilang husay at pagpapahalaga sa sining at literatura.

Ang patimpalak na ito ay bahagi rin ika-87 selebrasyon ng National Book Week o NBW noong Nobyembre 24 hanggang Nobyembre 30, 2021. Katuwang dito ang PLAI, CCP, National Commission for Culture and the Arts, at National Library of the Philippines.

Sa panahon ng new normal, kailangang sumabay ang mga library sa pagbabago kaya naman hatid nila ang tema ng National Book Week: OUTcomes, OUTreach, at OUTstanding: Libraries Beyond Boundaries. OUTcomes; layunin na magkaroon ng best service at long lasting outcome ang mga library sa bansa na magbibigay ng magandang benepisyo para sa mga tao. OUTreach; dahil sa pandemya, nagsara ang mga library sa publiko, kaya naman kinakailangan nilang umisip ng mga paraan para maabot ng mga library ang mamamayan. Dahil dito, naging innovative ang mga librarian at library staff upang maipaabot pa rin ang serbisyo sa mga tao. OUTstanding; kahit pa limitado ang resources at mahirap ang buhay ngayong pandemya, maraming librarian pa rin ang pinilit na maibigay sa mga tao ang serbisyo sa gitna ng banta ng Covid-19.

Create your website with WordPress.com
Get started